Subalit heto ang tanong. Ano nga ba ang tamang anyo ng pananalangin? Nakaluhod, nakatayo, nakahiga, naka-upo, nakataas ang kamay, nakatingala. Ang lahat ng ito ay masasabi ba nating tinatanggap ng Diyos na tamang pamamaraan ng panalangin. Ano ba ang turo ng ating Panginoong Hesus patungkol sa pananalangin, meron ba Siyang itinuro? O meron ba Siyang ipinakikitang halimbawa na dapat nating gayahin mula sa Kanya? Meron kung natatandaan ninyo Mateo 26:43-45 - Pagbalik niya, nasumpungan niya silang muling natutulog sapagkat lubha na silang inantok. Iniwan niya silang muli at nanalangin sa ikatlong pagkakataon. Sinabi niyang muli ang gayong panalangin. Pagkatapos ay pumunta siya sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila: Matulog na kayo at magpahinga. Narito, malapit na ang oras at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo na sa mga makasalanan. Nakita natin dito na nanalangin si Hesus na malayo sa mga alagad, bakit kaya? Upang ipakita sa kanila ang tamang paglapit sa Diyos Ama. Ano kaya ang ginawa ni Hesus, siya'y lumuhod sa harapan ng Ama, tumingala at taimtim na nakipag-usap sa Diyos. Nakapikit kaya si Hesus noong nananalangin Siya? Walang binanggit o nasabi sa bibliya kung nakapikit Siya. Bakit laging kung manalangin si Hesus ay sa isang dako o tahimik na lugar? Sapagkat nais Niyang ipakita sa kanila ang isang magandang halimbawa na dapat gayahin. At sinabi Niya kung mananalangin ka pumasok ka sa iyong silid, ipinid at doon ka manalangin sa Ama di mo nakikita.
Lunes, Mayo 5, 2008
Prayer !!!
Maraming ibig ipakahulugan ng salitang “prayer” o sa wikang tagalog ay “panalangin”, pag-usal, pagsasabi, pakikipag-usap. Sa lahat ata ng uri ng relihiyon ay may kanya kanyang turo kung ano ang tamang panalangin ayon sa kanilang paniniwala. Ano nga ba ang kahulugan nito? Ang panalangin ay isang pakikipag-usap o pakikipag-niig ng tao sa bagay, Diyos, o diyus-diyusan ayon sa kanilang mga paniniwala. Pangkaraniwan ng inu-usal ang panalangin ng tao para sa di nakikita o nahahawakan at doon sa nakikita at nahahawakan. May ibat ibang paraan kung paano manalangin ang ibat-ibang mga samahan, simbahan, pananampalataya at mga tao. Tulad ng mga muslim, sila’y nananalangin na tinatawag na “salah” kung saan mula pagkakatayo, silay luluhod, tapos isusubasob ang mukha sa lupa. Ganito noon nanalangin si Josue kay Yahweh na halos magdikit na ang kaniyang mukha sa kaniyang hita at tuhod. Ang mga Romano Katoliko naman ay nakaluhod sa harap ng altar, rebulto, o larawan at minsan sa harap mismo ng mga pari meron pa silang lumalakad paluhod pamunta sa altar habang inu-usal ang panalangin. May mga katutubo na ang kanilang pagdalangin ay may kasamang sayaw at may saliw na tugtug. Meron naman dumadalangin ng nakatingala sa langit at nakataas ang mga kamay. Meron namang nakaluhod lang, nakatayo, nakapikit, umaawit, nasa bintana at marami pa ayon sa kani-kanilang paniniwala at nakagisnan pamamaraan.
Ano ba ang tamang mga salita sa ating mga panalangin? Ang ating Panginoong Hesus ang nagsabi nito Mateo 6:7 - Ngunit kapag ikaw ay mananalangin, huwag mong gamitin ang mga walang kabuluhang paulit-ulit na mga panalangin gaya ng ginagawa ng mga Gentil. Ito ay sapagkat nananalangin sila nang paulit-ulit dahil sa kanilang palagay ay diringgin sila sa dami ng kanilang salita. Bakit nasabi ni Hesus ang ganito? Sapagkat yun ang ginagawa ng nakararami noon lalo na ang mga Gentil. Hindi nila nalalaman na bago pa lang ibuka ang kanilang bibig ay alam na ng Diyos ang kanilang pangangailangan. Alam nyo bang hanggang sa ngayon na may mga Gentil pa rin ayon sa pagsasagawa ng panalangin, nariyan yung napaka hahabang panalangin na kung susuriin mo paulit ulit na, meron namang ginagawang ritual na ang pananalangin. Paano nga ba ang tamang sasabihin sa panalangin. Meron akong nabasa dapat daw ang panalangin ay may sangkap na A.C.T.S.. Ito yung A- Adoration, C- Confession, T- Thanksgiving and S- Supplication. Subalit minsan nagiging ritwal na kapag ganito, sapagkat kung wala kang iisiping mga sangkap pa masasabi mo kung ano yung nasa puso mo. Kaya ako di naniniwala sa ganon, kasi kung ang puso mo ay naka-ayon sa Diyos at doon sa ipananalangin mo di na kailangan ang anumang mga panuntunan pa, ibig sabihin ang Diyos ay tumitingin sa PUSO at MOTIBO ng tao hindi doon sa ganda, haba o katatayuan ng panalangin mo.
Tulad ng nasabi natin sa itaas may kanya kanyang pamamaraan, kalalagayan bawat pananampalataya kung paano ipararating ang dalangin ng isang tao sa kanilang pinaniniwalaan. Hindi naman ako nagsasabi na di naniniwala sa panalangin, marami rin naman akong panalangin na tinugon ng Diyos at di ko sinasabi na ako'y hindi nananalangin. Natatandaan ko lang na may nagsabi, Ano ang magagawa ng panalangin sa buhay ng tao? Ang panalangin ba ay kailangan sa buhay ng tao? Bakit nananalangin ang tao? Sa mga tanong na ito masasabi ba natin na ang panalangin ay isa ng sangkap ng tao tungo sa kaugnayan sa Diyos? Sinasabi sa bibliya na di mo man sabihin batid na ng Diyos ang lahat ng ating mga pangangailangan. Kayo naging sangkap na ba ng buhay ninyo ang panalangin? Kayo ang makakasagot niyan...
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento