Ano ang makakapagligtas sa tao sa tiyak na kapahamakan? Ito siguro ang tanong na karaniwang hindi natin pinagtutuunan ng pansin. Sapagkat alam natin kung sino ang ating tagapagligtas, yun ay walang iba kundi ang ating Panginoong Hesus na isinugo ng Diyos Ama. Kapag ganito ang ating naririnig na katanungan, meron tayong nakahandang kasagutan. Kahit sino siguro na nakakabatid kung sino ang ating tagapaglitas ay batid din niya kung ano ang makakapagligtas sa tao, ano yun? Diba ang ating pananampalataya o sa wikang English ay “faith”. Ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang “faith” o pananampalataya, pananalig? Ayon sa Hebreo 11:1 – tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita. Yan ang pananampalataya, naniniwala sa mga bagay na di nakikita at magtitiwala sa mga bagay na inaasahang mangyari. Ito yung sinasabing makakapagligtas sa tao sa tiyak na kapahamakan.
Ito bang sinasabing pananampalataya ay mararanasan ng sinuman, basta ang kailangan lamang ay pananalig at paniniwala, sa lahat ng panahon, lugar at sitwasyon? Bakit ko natanong ito sapagkat kung pananampalataya lamang ang kailangan para maligtas bakit kailangan ko pang pumunta sa isang lugar para magsama-sama, mag-aralan, makinig. Oo nasabi rin sa kasulatan na ang pakikinig ng salita ng Diyos ay magbubunga ng pananampalataya, Roma 10:17 – Kaya’t ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig; at makakapakinig lamang kung may mangangaral tungkol kay Kristo. Sa itaas nasabi natin na kailangan lamang natin para maligtas ay ang pananampalataya, pero ngayon sinasabi na magkakaroon ka ng pananampalataya sa pakikinig sa mga nangangaral ng salita ni Kristo. Kung ganon ano ang kinalaman nito sa bago nating kaisipan na “meeting together” o magsama-sama.
Sa Hebreo 10:24-25 – At sikapin nating mapukaw ang damdamin ng bawat isa sa pag-ibig sa kapwa, at sa paggawa ng mabuti. At huwag kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon gaya ng ginagawa ng ilan, kundi palakasin ang loob ng isa’t isa, lalo na ngayong nakikita nating nalalapit na ang pagdating ng Panginoon. Hayan nakita natin na hindi lang pala pananampalataya ang kailangan para maligtas, kailangan din natin ang bawat isa para magpalakasan, magtulungan, at matuto ng paggawa ng mabuti. Ibig bang sabihin hindi ka maliligtas kung ikaw lamang kasama ang iyong pananampalataya. Bakit kailangan pa natin ang ibang tao? Ang Diyos ba ay tumitingin sa mga ginagawa mong mabuti sa ibang tao o Siya’y tumitingin sa puso ng bawat isa sa atin at doon makikita ng Diyos ang ating pananampalataya. Sinasabi na wag kaligtaan ang “pagdalo” sa mga pagtitipon gaya ng ginagawa ng ilan. Ano ba ang sinasabing “pagdalo” ito yung sinasabing pagsamba, pag-aaral, seminar, sama-samang pananalangin?
Subalit minsan pa nga ang mga pagdalo sa mga ganitong patitipon ang nagiging sanhi ng pagbagsak ng isang tao at paglalaho ng kanyang pananampalataya. Kung ganito ang nangyari sa isang tao, sino ang maaari nating sisihin na naging dahilan ang pagtitipon ba, ang mga dumadalo o ang mismong may katawan na bumagsak. Masasabi ba natin na ang pagdalo ay siyang susi para magkaroon ka ng pananampalataya o hindi ba pwede na manatili na lang ako sa bahay o kuwarto ko at magbasa ng salita ng Diyos. Hindi ba ako maliligtas ng ganitong pamamaraan? Sino ang Tama? Pero ganito naman ang depensa ng iba. Santiago 2:14 – Mga kapatid, ano ang mapapala ng isang tao kung sabihin man niyang siya’y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya pinatutunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng gayong pananampalataya? Parang nakapuntos ang kabila na hindi masasabing pananampalataya ang sinasabi mo na manatili na lang sa bahay at sabihing may paniniwala siya, kailangan pala ito ay mapatunayan, makita a buhay at gawa natin. Pero papaano yung mga taong di marunong makihalubilo sa mga tao, mas nais nila yung nag-iisa, kasi iniisip nila na lalo silang nagkakasala kung nasa maraming tao siya. Problema mo na yan hindi ko problema yan, kasi ang sarili mo ang kalaban mo hindi ang ibang tao.
Alam natin na marami ang magiging dulot ng “meeting together”, may dulot itong makabubuti sa tao at meron itong dulot na masama sa tao. Kung ganito ang ating pananaw dito ano na ang ating gagawin, marapat bang dumalo sa isang pagtitipon ang isang mananampalataya o manatili na lang siya sa kuwarto niya? Subalit sa tingin ko mas nakakarami ang magandang dulot ng pagdalo sa mga pagtitipon, sapagkat hindi sasabihin ng kasulatan yun kung itoy makasasama sa isang tao. Siguro sa mga taong sumasalungat sa mga ganitong pananaw ay kinakailangang tanungin niya ang kanyang sarili kung sino nga ba ang pinaniniwalaan niya. Kayo sumasang-ayon ba kayo na ipagpatuloy na lang ang padalo gaya ng ginagawa ng marami, para sa kalakasan ng isang tao. Pero tama naman kasi na pananampalataya ang makakapagligtas kasi kung mananampalataya ka na sa pagdalo mo tataas ang antas ng pananampalataya mo kahit na humarap sa malaking pagsubok, natitiyak na mapagtatagumpayan mo yun.
Para sa ibayo pang pag-aaral ng salita ng Diyos at mga pagkukunan ng mga kapaliwanagan patungkol sa kasulatan, malaya po tayong bumisita sa http://explanation-ko.blogspot.com o clik lang po ang link na ito…
God bless you….
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento