Huwebes, Pebrero 13, 2014

Talaga bang Mahal Tayo ng Diyos?

"Mahal ako ni Hesus, yan ang alam ko kasi sinabi ng Biblia sa akin" - Karaniwang isasagot ng isang karaniwang tao lalo na kapag Roman Catholic.

Yan ang natatadaan ko noong bata pa at nag-aaral pa. Ito rin ang laging sinasabi sa akin ng iba kasi nga raw sinabi sa Biblia. Totoo naman na sinabi ng Biblia sa aklat ni Juan 3:16 ganito yun:
"Gayun na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan ng ibigay Niya ang Kanyang bugtong na anak, na kung sinuman ang manampalataya ay hindi mapapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."

Pero ang tanong bakit nga ba tayo mahal ng Diyos? Hindi ito yung basta basta rason lang na walang kabuluhan sa Diyos. Ito yung pag-ibig na hindi masusukat ng tao sa anumang paraan. Hindi lang sa sinabi sa Biblia o ang Diyos ay maraming dahilan para mahalin ang tao. Pero batid ba natin ang hangganan ng pagmamahal ng Diyos sa tao? Yan ang malaking tanong sapagkat marami ang nagsasabi na may hangganan ito kung gagawa ka ng kasalanan sa Diyos.

Di ba ang bata ay minamahal dahil sa kanyang pagiging bata, madaling alagaan, subalit pag-lipas ng mga taon nakikita natin ang malaking pagbabago ng isang bata noon pero ngayon ay isang binata o dalaga na, naroon yung umusbong na ugali sa kanila, baka naging maingay, malikot o makulit pero naroon pa rin yung ating pagmamahal sa kanila. Ganon din ang Diyos na ayon sa Biblia na walang nakarating sa kaluwalhatian ng Diyos, lahat ay sumalungat at nagkasala - pero naroon pa rin yung Kanyang pagmamahal sa atin kasi nga nilikha Niya tayo.

Pero ang tanong - mahal pa rin ba ng Diyos ang mga taong patuloy na sumasalungat o nagkakasala sa Kanya? Marami ang naniniwala na mahal tayo ng Diyos pero may hangganan daw ang pag mamahal na yaon (tulad ng nasabi ko sa itaas) - ibig sabihin kapag nagkasala ka halimbawa maraming beses mong nagagawa may tiyak kang kalalagyan - yun ang dagat dagatang apoy. Meron namang nagsasabing dahil sa pagmamahal ng Diyos kaya Niyang patawarin anuman ang iyong naging kasalanan - ibig sabihin kahit na gaano kalaki o karami ang iyong kasalanan kaya kang patawarin ng Diyos kasi mahal ka Niya.

Kung ganon ang Diyos na walang hangganan ang pagpapatawad sa nagkasala - sinasabi mong mahal ng Diyos ang kasalanan or kinukunsinte Niya yung gumagawa ng kasalanan. Ang sagot ko ay HINDI nangungunsinte ang Diyos bagkos binibigyan Niya ng tamang pag-husga at pag-tutuwid ang nagkasala para manumbalik sila sa Diyos. Kasi kung yung mga taong nagkakasala ng maraming beses at hindi makiki-alam ang Diyos dahil dapat may parusa na sila - ano sa tingin mo ang Diyos - mapagmahal ba o malupit? Maraming paraan kung paano ipinakikita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal - hindi ito yung sinasabi na kung nagkasala ka ngunit di ka humingi ng patawad tiyak na sa impierno ang punta mo tulad ng ibang namatay na sa kasalanan.

Maaari natin isipin na dapat nga parusahan o makamit ng mga taong nagkakasala ang mahigpit na kaparusahan - ayon ako doon pero yung sabihin mong kaparusahang walang hanggan sa dagat-dagatang apoy - nasaan ang pagmamahal mo doon. Nasabi rin sa Bible na ang lahat ng tao ay matututo ng katuwiran ng Diyos at manunumbalik ang lahat sa Diyos, hindi sa kapamaraan ng tao kundi sa pag-ibig ng Diyos sa Kanyang nilikha. Ang ibig ko bang ipakahulugan dito at mayroon pang pagkakataon yung mga nagkasala na maligtas kahit na sila ay nasa impierno na. Ang sagot ko diyan ay hindi maaaring mangyari sapagkat hanggang sa mga sandaling ito wala pang laman ang impierno na sinasabi nyo - sapagkat hindi pa bumabalik si Hesus tulad ng nasusulat sa kasulatan. Tulad din yan na ang langit ay walang pang tao na namatay na naroon na sa langit - Juan 14:1-3 sinsabi na babalikan ni Jesus ang mga nananalig sa Kanya at isasama sa langit. Nasaan ang mga namatayan na? Sila'y nasa isang lugar na di nakikita (unseen place - as bible mentioned) at natutulog.
Maraming katanungan sa isip natin na tanging Diyos lamang ang makasasagot ng tamang puntos at makakabuti sa atin...

Lunes, Pebrero 3, 2014

Paano na Kami Ngayon?

Roma 8:28 - Alam natin na ang Diyos ay kumikilos sa lahat ng mga bagay at pinaglalakip-lakip para sa kabutihan nila na mga umiibig sa Diyos, sa kanila na mga tinawag ng Diyos ayon sa kaniyang layunin.

Kababasa ko lang sa Facebook ang kwento ng isang pamilya na nagkaroon ng di magandang pangyayari sa kanilang buhay na sa bandang huli natanong nila na "paano na kami ngayon?". Karaniwang naririnig, nasasabi natin mismo kapag tayo ang nakaranas ng isang sitwasyon ng panghihinayang, nawalan o di kaya di nakuha ang isang bagay. Katanungang magdadala sa ating buhay ng isang hamon o ito ay isang dahilan sa ating pagbagsak.

Marami na akong narinig nito lalo na kapag sa isang pamilya ang tatay ay namatay at ang nanay ay walang trabaho - na ibig sabihin paano na ang kanilang buhay, paano na sila kakain, paano na ang kanyang mga anak. Mga katanungang palaging naghahanap ng kasagutan base sa sitwasyong kinalalagyan. Masasabi ba nating normal lamang ang ganitong kaisipan ng isang tao, siguro ganon nga, subalit kapag nakakilala ka na sa Diyos, ganito pa rin ba ang dapat karaniwang tanong?

Kung titiningnan natin ang sitas sa itaas at bibigyan natin ng kaugnayan sa ating pinag-uusapan mayroon tayong makukuhang kasagutan na ang problema o sitwasyon sa ngayong nararanasan ay ayon sa Kanyang layunin. Subalit naroon pa rin yung katanungang - ito ba ang bagay na pinaglakip-lakip ng Diyos para sa ikabubuti? Samantalang nawalan na nga o natatakot na nga sa maaaring maganap kasi nawalan, namatay o posebling kahirapan ang haharapin nila.

Balikan natin yung sitas na "ang Diyos ay kumikilos sa lahat ng bagay" walang pasubali na yung mga nangyari, nangyayari at mangyayari pa sa buhay ng tao kasama ang mga mananampalaya ng Diyos ay ang Diyos ang Siyang kumikilos o may kagagawan para sa layunin Niya para sa atin. Masakit kung titingnan natin pero kung naniniwala tayo sa Diyos ito ay isa lamang sa mga paraan ng Diyos para masukat kung gaano tayo nanampalataya sa Diyos.

Naalala ko ang buhay ni Job ng subukin siya ng Diyos gamit ang galamay ni Satanas. Naranasan ni Job ang lahat ng pasakit, nawalan, karamdaman sa buhay. Kahit ang asawa niya ay nagtuturo o nag-uudyok na sa kanya na sumpain na ni Job ang Diyos dahil sa hirap at sakit na dinaranas ni Job sa panahong yaon. Subalit naroon ang katatagan ni Job ni hindi niya sinisi ang Diyos ng mawala ang lahat niyang anak.

Santiago 5:11 - Narito, itinuturing nating pinagpala ang mga nakapagtiis. Narinig ninyo ang pagtitiis ni Job at nalaman ninyo ang ginawa ng Panginoon sa katapusan na lubhang mapagmalasakit at maawain.

Tayo sa bawat problema o pagsubok sa ating buhay naroon lagi ang pagsisi natin sa Diyos at minsan nga laging nating natatanong ang ganito - Paano na Kami Ngayon? Para bang tapos na ang lahat, para bang wala ng kabuluhan ang kanilang buhay, para bang katapusan na ng mundo nakakalimutan natin ang makapangyarihang Diyos. Pero ang katutuhanan kung naniniwala lang tayo sa Diyos hindi Niya tayo pababayaan sapagkat mahal tayo ng Diyos.