Roma 8:28 - Alam natin na ang Diyos ay kumikilos sa lahat ng mga bagay at pinaglalakip-lakip para sa kabutihan nila na mga umiibig sa Diyos, sa kanila na mga tinawag ng Diyos ayon sa kaniyang layunin.
Kababasa ko lang sa Facebook ang kwento ng isang pamilya na nagkaroon ng di magandang pangyayari sa kanilang buhay na sa bandang huli natanong nila na "paano na kami ngayon?". Karaniwang naririnig, nasasabi natin mismo kapag tayo ang nakaranas ng isang sitwasyon ng panghihinayang, nawalan o di kaya di nakuha ang isang bagay. Katanungang magdadala sa ating buhay ng isang hamon o ito ay isang dahilan sa ating pagbagsak.
Marami na akong narinig nito lalo na kapag sa isang pamilya ang tatay ay namatay at ang nanay ay walang trabaho - na ibig sabihin paano na ang kanilang buhay, paano na sila kakain, paano na ang kanyang mga anak. Mga katanungang palaging naghahanap ng kasagutan base sa sitwasyong kinalalagyan. Masasabi ba nating normal lamang ang ganitong kaisipan ng isang tao, siguro ganon nga, subalit kapag nakakilala ka na sa Diyos, ganito pa rin ba ang dapat karaniwang tanong?
Kung titiningnan natin ang sitas sa itaas at bibigyan natin ng kaugnayan sa ating pinag-uusapan mayroon tayong makukuhang kasagutan na ang problema o sitwasyon sa ngayong nararanasan ay ayon sa Kanyang layunin. Subalit naroon pa rin yung katanungang - ito ba ang bagay na pinaglakip-lakip ng Diyos para sa ikabubuti? Samantalang nawalan na nga o natatakot na nga sa maaaring maganap kasi nawalan, namatay o posebling kahirapan ang haharapin nila.
Balikan natin yung sitas na "ang Diyos ay kumikilos sa lahat ng bagay" walang pasubali na yung mga nangyari, nangyayari at mangyayari pa sa buhay ng tao kasama ang mga mananampalaya ng Diyos ay ang Diyos ang Siyang kumikilos o may kagagawan para sa layunin Niya para sa atin. Masakit kung titingnan natin pero kung naniniwala tayo sa Diyos ito ay isa lamang sa mga paraan ng Diyos para masukat kung gaano tayo nanampalataya sa Diyos.
Naalala ko ang buhay ni Job ng subukin siya ng Diyos gamit ang galamay ni Satanas. Naranasan ni Job ang lahat ng pasakit, nawalan, karamdaman sa buhay. Kahit ang asawa niya ay nagtuturo o nag-uudyok na sa kanya na sumpain na ni Job ang Diyos dahil sa hirap at sakit na dinaranas ni Job sa panahong yaon. Subalit naroon ang katatagan ni Job ni hindi niya sinisi ang Diyos ng mawala ang lahat niyang anak.
Santiago 5:11 - Narito, itinuturing nating pinagpala ang mga nakapagtiis. Narinig ninyo ang pagtitiis ni Job at nalaman ninyo ang ginawa ng Panginoon sa katapusan na lubhang mapagmalasakit at maawain.
Tayo sa bawat problema o pagsubok sa ating buhay naroon lagi ang pagsisi natin sa Diyos at minsan nga laging nating natatanong ang ganito - Paano na Kami Ngayon? Para bang tapos na ang lahat, para bang wala ng kabuluhan ang kanilang buhay, para bang katapusan na ng mundo nakakalimutan natin ang makapangyarihang Diyos. Pero ang katutuhanan kung naniniwala lang tayo sa Diyos hindi Niya tayo pababayaan sapagkat mahal tayo ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento