Batid natin na ang bibliya ang salita ng Diyos, nakakabasa na tayo nito, may laya tayong pag-aralan ito, may laya taong mag-salin nito ayon sa ating pagka-unawa, at iba pa. Hindi agad ito naging bahagi ng ating buhay mula noong tayo ay musmos pa, kundi unti unti tayong namulat ayon sa ini-aaral sa atin ng ating mga magulang, gayon din naman sila, ibig sabihin nagpasalin-salin ito mula sa mga ninuno natin. Posible kaya na nagkaroon na ng pagkakamali sa bibliya, sapagkat ito'y nagpasalin-salin na lamang, na ang orihinal na kopya nito ay mahirap nang matagpuan? Subalit hindi yan ang ating pinag-uusapan dito, kundi ang bibliya ba ay puno ng doktrina mula sa Diyos? Marami ng panahon ang lumipas o nagdaan, marami na ring ibat-ibang pananampalataya, pagkilala, pagka-unawa tungkol sa bibliya o salita ng Diyos. Subalit nananatili pa rin ang katanungan sa isip ng isang nilikha ng Diyos ito yung tungkol sa doktrina na natutunan, nalaman, nakikita natin sa ibat-ibang samahang pang-simbahan.
Doktrina, ano ba ang kahulugan nito? Doctrina ay isang salaitang Latin na ang ibig sabihin ay isang pagkakakilanlan ng isang pananampalataya o kumakatawan sa pangkalahatang katuruan o kautusan, paninindigan, kalalagayan ayon sa kanilang pinaniniwalaan. Karaniwang nagsasaad ito ng mga "religious dogma" na ipinatutupad sa mga samahan o simbahan. Ito ay ginagamit din bilang kaugnay sa mga paninindigan sa batas, karaniwang kaugalian batas, at ibat-ibang paninidigan ayon sa kanilang paniniwala. Ang "doktrina" -tinatawag na dogma, ay paniniwalaang wasto ang katuruang tinanggap, lalong lalo na ang mga nagsalita ay galing sa mga namamahala sa mga samahan o simbahan. Ito rin ay tinatawag na "katuruan". Subalit ang katanungan ay ganito - Ang Salita ba ng Diyos ay binubuo ng mga doktrina o dogma?
Sa isang payak na kaisipan tulad ko noong una, sa totoo lang noong nakarinig ako ng salita ng Diyos, sinsabi sa Juan 3:16 - gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay o sinugo Niya ang Kanyang bugtong na anak upang ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay di mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Kung titingnan mo ang talatang ito ay iisa lang ang hinihiling ng Diyos sa ating nilikha niya ang "sumampalataya" sa Kanyang Anak (Hesus), bakit? upang tayo ay maligtas at magakaroon ng buhay na walang hanggan na kasama Niya. Napaka-payak nito, subalit ewan ko kung bakit sa ngayon napakarami ng mga dogma, doktrina, katuruan na itinuturo ng ibat-ibang samahan, pananampalataya at simbahan. Ito kaya ay tahasang nakatala sa bibliya o ito ay kanila lamang nilikha upang maging kakaiba ang kanilang samahan. Meron naman na pinipilit nilang hanapan ng kaugnayan sa bibliya upang maging angkop sa kanila katuruan.
Napakaraming mga sitas sa bibliya ang nagsasabi tungkol sa pag-sunod, babala, pag-ibig ng Diyos, hiwaga ng Diyos, hula, biyaya ng Diyos - subalit ang lahat ng ito ay hindi ko masasabing isang dogma, doktrina sapagkat kung pinanampalatayanan mo ang iisang Diyos sa Kanyang salita, bibigyan ka ng kapaliwanagan, pananampalaya na hindi na kailangan ang anumang doktrina na ginawa ng tao. Kung masasabi nating ang salita ng Diyos ay isang doktrina o dogma ayon sa sinasabi ng Banal na Espiritu, ito ay makabubuti sa atin. Subalit kung ang isang doktrina o dogma ay hindi makikita, mababasa, itinuturo sa bibliya ito ay doktrina mula sa tao na tahasang masasabi ko na hindi makakabuti at makakapag-ligtas sa tao. Ang doktrina o dogma o katuruan ba ay nakakapagligatas sa tao? HINDI. Bakit? Sapagkat ang makakapaglitas sa tao ay ang kanyang pananampalataya kay Hesus na sinugo ng Diyos. Ano lang ang hinihingi - manampalataya at ang pag-sunod hindi ang anumang doktrina na mula sa anumang samahan...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento