Linggo, Abril 13, 2008

Ang Mayaman At Si Lazaro (Ikalawang Yugto)

Nasusundan ba ninyo ang bawat puntos na inihahayag sa unang yugto. Ngayon naman ay isa-isahin natin ang ilang talata ng kaisipang ito kung masasabi ba nating isang kasaysayan lamang ito o isang talinghaga.

Talata 19: may isang mayaman – marami sa makababasa nito ay magtatanong, ang pagiging mayaman ba ay isang kasalanan?, totoo ba ito? Nagkakamali kayo sapagkat si Abraham ay napaka yaman (Genesis 13:2), Isaac ay mayaman, Jacob ay mayaman, Joseph ay mayaman, David ay mayaman. Job ay ang pinaka mayaman sa lugar nila (Job 1:3). At ang Diyos ang nagpala sa kanila kung kaya sila ay mayayaman. Ang pagiging mayaman ay hindi masasabing kasalanan. Sa karagdagan kaalaman basahin ang Galacia 6:7 at 2 Corinto 9:6-7 patungkol sa mga pagpapala na kaloob ng Diyos.

Talata 19: nagdaramit ng mamahalin – bakit natin bibigyan ng masamang kahulugan yung kulay o yung yari ng damit na suot ng mayaman? Ito ba ay kasalanan kung magsuot siya ng maganda sapagkat kaya naman niyang bumili ng ganon. Ano ba ang nagiging dulot o epekto nito sa ugali ng tao, meron ba? Kung literal nating susuriin walang epekto ito. Subalit tulad ng sinabi ko ito ay naglalarawan ng isang bagay na malaki ang kaugnayan upang makita natin ang katutuhanan sa kanilang pagkatao. Ang paglalarawan sa kasuotan ng mayaman at ang kalagayan ni Lazaro sa kandungan ni Abraham ang siyang pangunahing susi upang maunawaan ang kapaliwanagan ng talinghalang ito.

Talata 20: may isa namang pulubi – ang pagiging isang pulubi o mahirap ay walang karangalang maipagmamalaki sapagkat maraming sinasabi sa bibliya ang patungkol dito. Sundan sa mga sumusunod na talata (Kawikaan 6:10-11, 10:4, 13:4. Ito rin ang nagbubuyo sa tao upang magkasala. Subalit ang Diyos ang siyang gumagawa para sa mayaman at mahirap (1 Samuel 2:7).

Talata 20: pangalan ay Lazaro – na ibig sabihin nito sa salitang Hebreo ay “helpless”. Bakit natin nais alamin ang kahulugan ng kanyang pangalan samantalang ang sinasabi natin dito ay dapat isalin sa literal. Lazaro ay isang palasak o karaniwang pangalan sa Israel at sino ang may gustong gayahin ang ganitong pangalan kung nangangahulugang "helpless". Naalala ko yung pangalang Hudas na hanggang sa ngayon ay ayaw maging pangalan o tawag man lang ng isang tao kasi sa nangyari sa kanya, ganon ba tayo? Ganun din sa pangalan ng mayaman dapat din ba nating alamin kung isasalin lamang ito sa literal walang kaugnayan ito. Subalit tulad ng iginigiit natin na ito ay talinghaga na kailangang malaman natin ang kahulugan nito.

Aminin man ninyo o hindi ang mayaman ay nakalasap ng pagpapala ng Diyos sa kabila ng kanyang ugali, diba? Ayaw ninyong maniwala tingnan natin kung paano magpala ang Diyos sa (Deut. 28:11, 12). Natanggap niya ang kasaganaan sa buhay katulad ng nakasulat sa bibliya (Santiago 1:17) at si Lazaro ay walang pasubali na nasa ilalim ng sumpa, payag ba kayo? (Deut 28:16, 27, 29). Kasi tingnan ninyo kapag ang tao ay walang bahay, nagugutom, may sakit, nasa daanan ano sa tingin ninyo pinagpala ba siya? – tumingin ang may mata..

Talata 22: namatay ang pulubi, at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham – kapag ito ay isinalin sa literal na salin ito ay imposible bakit kamo kasi si Hesus ay narito pa sa lupa samantalang sabi nyo si Lazaro at Abraham ay nasa langit, paano yun si Hesus ang unang umakyat sa langit matapos pagtagumpayan ang kamatayan at tandaan ninyo ang pagkabuhay na muli ay sa hinaharap (1 Corinto 15:20). Si Abraham ay hindi ang unang bunga ng pagkabuhay na muli kundi si Kristo. At tandaan ninyo ito – walang sinuman ang umayat sa langit, kundi ang siyang bumaba mula sa langit (Juan 3:13). Nakita ninyo ang pagsalungat nito sa bibliya kung isasalin natin ito sa literal.

Gusto pa ba ninyong ituloy nating isa-isahin ang bawat talata pero sa tingin ko sapat na yung ilang ipinakita natin sa itaas upang makuha ninyo ang pinupunto ko rito. Subalit kung hindi pa ito sapat wala na akong magagawa pa kundi ang ipagpatuloy na lang ito sa panibagong bahagi kaugnay sa usaping ito. Matatalino kayo, marunong bumasa, umunawa at tumuklas o sadyang matigas ang ulo ninyo. Bato bato sa langit ang tamaan ay bukol, masakit yun.......

Itutuloy...

Walang komento: