Huwebes, Agosto 14, 2008

Ika Nga Ng Diyos Dito..

Noong nakaraan tinalakay natin ang tungkol sa “agimat” na ipinakita ko sa inyo ang mga sitas na naka-ugnay sa kasulatan. Ngayon naman ay talakayin natin ang tungkol sa mga manghuhula at astrologo. Sa bagong kong entre - Ano nga ba ang sinasabi ng Diyos tungkol dito.

Isaias 47:13-15
13 – Wala kang magagawa sa kabila ng marami nang payo sa iyo, patuloy ka man sa inaasahan mong mga “astrologo”, sa mga taong humuhula sa mangyayari bukas batay sa kalagayan ng kalangitan at mga bituin.
14 – Sila’y parang dayaming masusunog, ni ang sarili’y di maililigtas, sa alab ng apoy, pagkat ito’y di karaniwang init na pampaalis ng ginaw.
15 – Walang maitutulong sa iyo ang mga salamangkero na hinihingan mo ng payo sa buong buhay mo.

Sa panahong yaon ang mga tao ay nararahuyo na lapitan ang mga manghuhula at mga astrologo upang malaman nila kung ano ang kanilang kapalaran, hinaharap at kung ano ang mangyayari. Nakalimutan nila ang Diyos na siyang makasasagot sa kanilang mga tanong. Kaya binigyan silang ng babala at sinabi yung katutuhanang hindi sila maililigtas ng mga iyon maliban sa isang Diyos si Yahweh lamang. Inihalitulad sila sa dayami na susunugin sa apoy. Sinasabi rin na ang pagsangguni sa mga ito ay kahalintulad ng pag-samba sa diyus diyusan.

Levitico 19:26b
26b – Huwag ninyong paiiralin ang panghuhula o panggagaway.

Kukunin ko yung panukala ng isa sa mga nakabasa noong nakaraan kong entre na “wala daw namang mawawala kung susunod sa ganitong kalakaran” ika nga. Sa tingin ng tao walang itong halaga, sapagkat hindi niya alam kung ano nga ba ang iniutos o ano yung ayaw ng Diyos tungkol dito. Hindi rin isinaalang alang ng tao na ang Diyos ay mapanibughuin ayaw Niyang may ibang diyos na sinasamba ang tao maliban sa Kanya na may likha ng langit at lupa. Minsan nagkakatotoo naman daw ang kanilang mga sinasabi tungkol sa kapalaran at nagiging kalakasan na rin. May katutuhanan kaya ito na nagkakatotoo ang mga hula nila o nagkataon lang talaga na ganon ang mangyayari sa kanya sa araw na yun. Kasi kapag doon tayo na kanila nanghawakan ang kasiguraduhan ay ang pagkaligaw natin sa sinasabi ng Diyos. Tingnan natin yung mga sinabi ng mga gumagawa nito noong panahon ni Daniel..

Daniel 2:10-11
10 – Sumagot ang mga manghuhula, wala pong tao sa daigdig na makagagawa ng iniuutos ninyo. Wala ring hari gaano man ang kapangyarihan niya na nag-utos ng ganyan sa sinumang salamangkero, engkantador o manghuhula.
11 – Napakahirap gawin ng iniuutos ninyo. Mga diyos lamang ang makagagawa niyan ngunit hindi naman sila makaka-usap.

Daniel 2:27-28
27 – Sumagot si Daniel, ang hiwagang hinihiling ng hari ay hindi maipapaliwanag ng sinumang pantas, engkantador, salamangkero o astrologo.
28 – Ngunit mayroon pong isang Diyos sa kalangitan na naghahayag ng mga hiwaga. At sa pamamagitan po ng inyong panaginip ay inihayag Niya sa inyo ang mangyayari sa hinaharap.


Anong sinabi nila walang sinuman ang makakapagsabi ng tungkol sa mga panaginip maliban na siya ay kinakasihan o ihayag ng Diyos, lahat ng kanilang masasabi ay hula na walang katutuhanan. Makikita natin ito kahit sa panahon ngayon sa TV, magazine, komiks, sa mga tabing daan at halos sa lahat ng lugar, uulitin ko minsan ginagamit pa nila ang pangalan ng Diyos sa kanilang lisya gawa.

Bilang pangwakas, ang masasabi ko huwag ninyong hayaan na kayo ay marahuyo sa mga ganitong kalakaran ng mundo. Talikuran ninyo sila upang hindi kayo mapahamak, walang silang magagawa sa inyong kaligtasan sapagkat ang kaligtasan ay kay Hesus lamang – Mga Gawa 4:12 Wala nang ibang kaligtasan sa kanino man kundi si Hesus sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ikaliligtas natin.

Walang komento: