Sabado, Agosto 30, 2008

Kailan Ka Bagong Nilalang?

Madalas marinig natin ito - “madaling maging Kristiyano ngunit mahirap magpaka-Kristiya no”, baguhin natin ito sa ibang anyo – madaling maging lingkod ni Kristo ngunit mahirap ang sumunod kay Kristo. Marami ang nagsasabi na nakakasunod naman sila kay Kristo at sa mga nakasulat sa kasulatan. Dito sa bago kong entri talakayin natin yung mga karaniwang mapapansin sa isang Kristiyano raw. At kailan ba natin masasabi ang isang tao ay bago ng nilalang sa harap ng Diyos at ng mga nakapaligid sa kanya. Sa mga sitas sa ibaba mababasa natin ang ganito:

2 Corinto 5:17-18
17 - Kaya nga, kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya ay bago nang nilalang. Ang mga dating bagay ay lumipas na, narito, ang lahat ng bagay ay naging bago.
18 - Ang lahat ng mga bagay ay sa Diyos. Sa pamamagitan ni Jesucristo dinala niya tayo upang ipagkasundo sa kaniya. At ibinigay niya sa atin ang gawain ng paglilingkod para sa pakikipagkasundo.

Simulan natin sa sitas na 17 sinasabi “kung ang sinuman ay na kay Kristo” – ibig sabihin ang taong tinutukoy ay tumanggap o kumilala kay Kristo, pinatutungkulan para sa lahat na taos pusong tinanggap at kumilala kay Hesus – “siya ay bago nang nilalang”. Ibig sabihin may binago, may pinalitan sa taong yun. At sabi pa ang lahat ng sa taong yun ay lumipas na, ang ipinalit sa kanya ay lahat bago na. Tanong: Kailan ito naganap sa isang tao? Naganap na ba ito sa isang tao? Kung hindi pa kalian ito magaganap sa tao?

Sa sunod na sitas 18 – ipinakikita lang ni Apostol Pablo na ang lahat ng bagay ay sa Diyos, Siyang may likha nito. Ginamit ng Diyos ang Kanyang bugtong na anak upang dalahin tayo sa pakikipagkasundo sa Diyos. Tapos ginagabayan naman tayo ni Hesus upang ang ibang tao naman ang siyang madala sa pakikipagkasundo sa Diyos. Ganyan dapat ang kalakaran na gusto ng Diyos. Subalit parang taliwas ito sa mga nangyayari sa mga iglesya ng Diyos, marami ang nag-aangkin na sila’y taga-sunod ni Hesus subalit hindi ito nakikita sa kanila kilos, gawa at ugali. Ito naba yung sinasabing “bagong nilikha".

Sa ibang salin imbes na “na kay Cristo” ito ay “nakipag-isa kay Cristo”. Noong mga nakaraan kong entri natalakay ko ang tungkol sa tamang pakikipagkaisa subalit ito ay sa mga kasamang mananampalataya sa iglesya. Sa kaisipan natin ngayon ang pinag-uusapan dito ay ang pakikipag-kaisa kay Cristo, ibig sabihin tinanggap mo Siyang panginoon at tagapagligtas, taos puso mo siyang susundin, paglilingkuran sa isip, salita at sa gawa. Ganon naman ang ginagawa ko ah – ewan ko, ikaw, kayo ang makasasagot niyan.

Heto lang ang masasabi ko at uulitin kong muli ang mga apostol ni Hesus noong panahon nila mahigit tatlong taon silang magkakasama, subalit masasabi na hindi pa sila masasabing mga bagong nilalang – sapagkat noong nagkaroon ng sitwasyon si Hesus bago siya ipako, sila’y nagsipangalat, ipinagkanulo, itinakwil, ikinaila. Naging bagong nilalang lang sila ng matapos mabuhay na muli si Hesus – doon sinabi ni Hesus na dito sa ibabaw ng bato itatayo ko ang aking iglesya at walang kampon ng kadiliman ang mananaig sa kanila. Sino ang tinutukoy niya ang mga alagad niya…. Ganon din ang kaisipan ni Apostol Pablo, dati siya’y taga-usig ni Hesus subalit ng siya’y baguhin ni Hesus doon nagsimula ang pagiging – bagong nilalang niya. Ibig sabihin ang Diyos pa rin ang magkakaloob ng daan, paraan at lakas para maging mabong nilalang ka sa harap Niya, wala tayong magagawa sa ganang ating sarili lakas.....

Kaya kayo diyan nasa puso ba ninyo ang pagsasabing kayong nakipag-isa kay Hesus o nasa nguso lamang, at ito ba ay isinasagawa ninyo – kung hindi dahan dahan lang tayo kasi baka tayo’y nagkakasala.

Lunes, Agosto 25, 2008

Balat Kayo o Pagkakaisa

Sa ating kultura o matandang kaugalian meron silang kasabihan na “kung sama-sama, kayang-kaya”. Ang ganitong kaisipan hanggang ngayon ay meron pa rin namang sumusunod at nakakasunod ika nga. Sa mga iglesya ganito rin ang nagiging paninindigan at panuntunan ng marami, sapagkat totoo naman na malaki ang magagawa kung sama-sama ang bawat isa. Kahit sa kasulatan isang kapamaraanan din ng mga lingkod ng Diyos ang sistemang sama-sama, tulad ng ginawa ni Reyna Ester ng Susan. Sila’y nagkaisa na mag-ayuno upang ilapit sa Diyos ang kanilang karaingan (Ester 4:16).

Ganon din ang ginawa ni Nehemia – pag-kakaisa rin ang panawagan niya sa mga Israelita upang gawin ang moog ng Jerusalem. Kung natatandaan ninyo si Gideon mula sa angkan ni Benjamin na sinabihan ng Diyos na pangunahan ang kanilang angkan upang labanan ang mga kaaway. Sa kabila ng pagtutol niya, ipinakita ng Diyos ang kapangyarihan niya kay Gideon. Marami pang mga lingkod ng Diyos ang nagpakita ng pagkikipag-kaisa upang sundin ang kalooban at pinag-uutos ng Diyos.

Sa panahon ngayon makikita pa rin ba ang pagkakaisa sa mga iglesya ni Hesus? Nauunawaan ba sa ngayon ang tunay na diwa, kahulugan ng pagkakaisang hinihingi ng Diyos. Ano ba ang karaniwang makikita sa isang iglesya sa ngayon? Malimit pag-usapan ang patungkol sa ikalalago ng iglesya at laging nasasabi ang kahalagayan ng pagkakaisa upang maisulong ang minimithing bagay. Minsan maririnig sa mga usapan na nakikipag-isa ang isang kapatid, pero sa bibig lang pala yun. Ano ang nagiging dahilan, bakit sila ganito? Maraming bagay ang pwedeng isaalang alang – wala sa puso nila ang kanilang mga sinasabi, o merong nagiging dahilan kung bakit ito nangyayari. Merong hiya lang ang nagbubunsod para sumang-ayon subalit taliwas sa kanilang nilalaman ng puso...

Masasabi ba na pagkakaisa kung salita lang ang maririnig sa isang tao? O nag-uutos lang siya dahil siya’y medyo mataas ang kalalagayan sa buhay o dahil siya ay pastor? Siguro mas maganda kung elders, deacons o pastor ang siyang manguna sa ikagaganda ng iglesya hindi yung puro utos, at maraming dahilang ikinakabit para lamang makaiwas, kasi nasa isip nila na hindi bagay ang ganoong gawain sa kanila. Ang pag-aktong parang isang nangunguna dapat sa salita at sa gawa tulad ng ginawa ni Nehemia at Reyna Ester pinangunahan nila ang mga pinagagawa ng Diyos sa kanila. Sa ngayon nakikita natin na parang mga Periseo ang mga Elders, Deacons at Pastor, sila yung ayaw marumihan ang mga kamay o masaling kahit ang kanilang dulo ng daliri. (Mateo 23). Tama ba ito…. O isa ba kayo o tayo rito?

Huwag tayong magtago sa ating sariling anino, ipakita natin na nasa puso ang ating paglilingkod – isipin lagi na sa Diyos tayo naglilingkod hindi sa tao..

Huwebes, Agosto 21, 2008

Bahala Na Nga

Hihiramin ko yung email na natanggap ko, sapagkat maganda at akmang akma sa buhay Kristiano. Siguro nabasa na rin ninyo o pinadalhan din kayo ng email na ito, pero hayaan ninyong ilathala ko ulit ito para naman doon sa mga mambabasa ko sa ibang lugar.

Que Sera, Sera,
Whatever will be, will be
The future's not ours, to see
Que Sera, Sera
Whatever will be, will be.

Yan ay lyrics ng popular na awit noon ni Doris Day (circa 1956) na marahil hanggang ngayon ay paminsan-minsa' y naririnig pa natin, o ating inaawit marahil kapag tayo'y ganadong kumanta. Ayon sa Wikipedia Encyclopedia, ang awit na ito'y pinasikat ni Doris Day nung 1956 at naging feature song sa pelikulang "The Man Who Knew Too Much" na ang bida ay si Doris Day mismo kasama si James Stewart. Nakasama sa Billboard magazine chart nung taon ding iyon ang awit na ito, at nanalo sa Academy Award for Best Original Song. Sa Tagalog ang salitang "Que Sera, Sera" ay maaaring i-translate sa simpleng katagang "Bahala Na".

Maraming maipapakahulugan ang salitang "Bahala Na" depende sa gumagamit o sa nagsasalita nito. Kapag di matiyak ang isang bagay na gagawin kung ito ba ay magtatagumpay o hindi, dahil marahil sa kakulangan ng panahon o ng akmang pamamaraan, sinasabi nating "bahala na!". Na ang nais ipakahulugan ay "Kung uubra, fine. Kung hindi, OK lang." Kumbaga, ipinasasa-Maykapal natin ang magaganap. Kung ano ang Kanyang kalooban ay siyang makapangyari.

This could be the positive way ng paggamit ng salitang "Bahala Na" na siyang eksaktong kahulugan ng awit na "Que Sera, Sera". Hindi natin hawak ang bukas. Hindi natin mailalagay sa ating palad ang kapalaran ninuman, kung kaya't dapat nating ipasa-Diyos ang magaganap sa darating na bukas. "Que Sera, Sera" Sa Ingles ay "whatever will be, will be" at sa Tagalog ay "Bahala Na". Ang salitang "Bahala Na" ay mula naman sa salitang "Bathala", isang malalim na translation ng salitang "Diyos" na siyang ginagamit ng ating mga ninuno nung araw kapag tinutukoy nila ang isang Diyos na makapangyarihan. Isang Diyos na may lalang ng langit at lupa.

Kaya nga, kahit dito sa Gitnang Silangan, maririnig mo ang salitang "Inshallah", na ganun din ang ibig sabihin "Bahala na ang Diyos". Kung ibig Niya, mangyayari, kung hindi, ay hindi. Yun nga lamang, mali ang aplikasyon at minsa'y naaabuso ang paggamit ng salitang "Bahala Na" o "Inshallah", o ang "Que Sera, Sera". Ito'y ginagamit na lamang scapegoat para maiwasan ang isang bagay na gagawin o isang commitment na dapat tuparin. "God willing" ang maririnig pa natin minsan. Pero sa totoo lang ay di mo talaga nais na gawin.

Na walang pinagkaiba sa naririnig natin sa mga katutubo rito sa Saudi Arabia na "Inshallah". Di ba't isa sa mga utos ng Panginoon ay "You shall not misuse the name of the LORD your God". (Exodus 20:7) Kung kaya't ating paka-ingatan ang dila. Baka tayo'y nagkakasala na sa pagbigkas ng "Bahala na". God willing. Que Sera, Sera. "Bahala na!" Ang katagang ito'y maaaring ipantukoy din sa mga mediocre na bagay na ating ginagawa. Yung di natin ibinibigay ang pinaka "da best". Kung ano lang ang meron, kung ano lang ang ibig. Pero sa katotohanan ay may mas mainam pa tayong magagawa.

Bilang mga lingkod ng Panginoon, ang salitang "Bahala na" ay di dapat gamitin kapag Siya'y may ipagagawa sa atin. We must always make it sure that we give our best, the very best kapag para sa Panginoon. Hindi yung mediocre lamang. Dapat may akmang paghahanda at tamang oras, hindi yung pabara-bara lamang at isinisingit lamang kapag may panahon. Dapat laging "on time" kapag may commitment na tinanguan para sa Panginoon, hindi yung palaging late at lagi mo na lamang sambit "sensya na huh.. ma-traffic eh."

Kung magbibigay naman sa Panginoon, dapat sapat at husto at ayon sa puso. Hindi yung tira-tira lamang at kung ano lang ang mabunot sa bulsa, at minsa'y lukot-lukot pa. Kung magkakaloob sa Panginoon, dapat yung "da best." "Bahala na!" yan rin ba ang katagang madalas mong nasasambit? "Bahala na" dahil di ka nakapaghanda, di ka nakapagplano, at nagahol ka na sa oras. "Bahala na" dahil di mo nais na i-commit ang iyong buong oras at panahon. "Bahala na" dahil ipinagwawalang- bahala mo lamang ang bawat araw na dumarating.

May magandang aral tayong matutunan sa langgam na siyang inihalimbawa ng Bibliya sa Proverbs 30:25 na ang sabi, "Ants are creatures of little strength, yet they store up their food in the summer." Marunong silang magpahalaga sa bawat araw. Hindi tatamad-tamad. Nagtratrabaho habang may araw, habang may lakas. Hindi pa-bandying- bandying. Hindi mahilig mag-mall-ing. Hindi panay good-time. Masinop. Nag-iimpok. Naghahanda sa darating na bukas. Upang dumating man ang bagyo o unos, sila'y nakatitiyak na di maghihikahos, di magkukulang.

Wala sa bokabularyo nila yung "bahala na!" Ikaw... tayo tulad rin ba ng langgam? O ika'y nilalanggam na sa sobrang tamis ng iyong ngiti dahil napapangiti ka sa iyong sarili. Nawa'y ang ngiting iyan ay sanhi ng katiyakang ika'y nakapaghanda tulad ng langgam at binibiggyang- halaga ang bawat araw sa iyong buhay. "Bahala na…" Que sera, sera...

Lunes, Agosto 18, 2008

Pananakot Ba o Mensahe?

Noong nakaraang Biyernes masasabi ko na hindi kumain yung espiritu ko, kumain man subalit biglang isinuka sa kadahilanan patungkol sa naging mensahe daw na galing sa Diyos. Hindi naman ako nasasaktan kaya lang yung uri ng pananalita ng taga-pagsalita yun ang hindi matanggap ng espiritu ko, para bang isang bato na pilit mong ibinabato sa isang bagay pero hinding hindi mo naman siya tamaan. Parang isang sugat na pinipilit gamutin ng isang gamot na hindi naman para doon sa sugat.

Kung hindi ako nagkakamali unang pagkakataon lang niyang makapag dala ng mensahe para sa aming iglesya. Noong una palagay ang isip ko at espiritu ko kasi kilala ko siya dahil sa mga nakaraang pag-aaral naging taga-pagturo na rin siya at hindi mo siya kakikitaan ng ganong pananalita, puno siya ng makabuluhang kaalaman. Subalit noong nakaraang Biyernes, hindi lang ako ang nagising ang espiritu kundi halos lahat ng nakikinig at nakasama sa gawaing yaon. Siguro naging kasalanan ko ngayon kasi nakapag-isip ako na parang sinabihan ng aming pastor yung mensahero kung ano ang gusto niyang sabihin sa kongregasyon.

Na para bang ito ang iyong tumbukin sa iyong mensahe sapagkat walang nagbibigay ng ikapu sa iglesyang ito, meron man pero ilan lang. Nararapat bang ipagkalandakan sa harap ng mga nakikinig na “ikaw ay mapupunta sa imyerno kung hindi ka magbibigay ng ikapu”. Saan sa kasulatan mo matatagpuan ito na tahasang sasabihin ang ganitong bagay, kung meron nito pakisabi sa akin baka hindi ko nakita at naunawaan ang nakasulat doon. Maraming naiwang katanungan sa mga nakarinig ng mensahe merong nagsasabi na hindi raw dapat ganon, meron naman na wala lang sa kanila, meron naman na pumasok sa isang tainga pero pinalabas sa kabila at yung sa akin nga isinuka.

Gusto ko na tumayo pero nanaig pa rin yung pagpipigil sa sarili ko, kasi naalala ko yung magiging resulta noon kung tatayo ako upang magsalita at salungatin yung sinasabi. At alam ko kung nagsalita ako tiyak babalik sa akin yun – at ganito ang kanilang maaaring ibalik sa akin. “Kaya ka nagagalit kasi hindi ka nagbibigay ng ikapu mo”. Pero kung tatanungin mo naman sila kung saan makikita yung mga sinabi nila, wala namang saktong sitas na magpapatunay. Kapag nagsalita ka aakusahan kang binulag, naliligaw at mali ang natutunan at minsan tatanungin pa kung saan natutunan ang ganon. Kayo ano sa palagay ninyo ano nga ba ang nararapat – sundin kung ano yung nasa kasulatan o sa lantarang pananakot na sundin ang ganitong mga utos.

Hindi ko naman sinasabi na laban ako sa pagbibigay ng ikapu, kung nagbibigay ka mabuti yun, ang medyo nakakapag-init ng spiritu ay yung “sabi nga ilang mga kapatidlantaran, sapilitang ipatupad ang mga ganon. Nawawala na yung sinasabing kalayaan, kusang loob na pagbibigay na tahasang sinasabi sa mga sitas sa kasulatan. Hindi ko rin naman masisisi sila sapagkat marami silang isinaalang alang kaya kailangan ang mga ikapu, subalit ang tanong tama bang sa ganoong pamamaraan, at saan ba dapat gamitin ang mga ikapu. Alam ko rin na marami ang bumabagsak sa ganitong larangan. Pero wag namang gawing panakot ang ganitong bagay para lang ipatupad iyon, naniniwala tayong may Banal na Espiritu na siyang magpapaalala ng ganitong bagay sa tamang kapamaraanan.

Kung sa tingin ninyo mali ako sa mga nasabi ko sa itaas, hintay ko ang inyong mga komento at handa akong humingi ng paumanhin sa lahat ng aking nagawan ng masama kung mapapatunayan ayon sa kasulatan. Sinadya kong hindi lagyan ng anumang sitas sa kasulatan ang entre kong ito upang mailabas ko lang yung aking naramdaman. Salamat po at pagpalain po tayong lahat ng Diyos.

Huwebes, Agosto 14, 2008

Ika Nga Ng Diyos Dito..

Noong nakaraan tinalakay natin ang tungkol sa “agimat” na ipinakita ko sa inyo ang mga sitas na naka-ugnay sa kasulatan. Ngayon naman ay talakayin natin ang tungkol sa mga manghuhula at astrologo. Sa bagong kong entre - Ano nga ba ang sinasabi ng Diyos tungkol dito.

Isaias 47:13-15
13 – Wala kang magagawa sa kabila ng marami nang payo sa iyo, patuloy ka man sa inaasahan mong mga “astrologo”, sa mga taong humuhula sa mangyayari bukas batay sa kalagayan ng kalangitan at mga bituin.
14 – Sila’y parang dayaming masusunog, ni ang sarili’y di maililigtas, sa alab ng apoy, pagkat ito’y di karaniwang init na pampaalis ng ginaw.
15 – Walang maitutulong sa iyo ang mga salamangkero na hinihingan mo ng payo sa buong buhay mo.

Sa panahong yaon ang mga tao ay nararahuyo na lapitan ang mga manghuhula at mga astrologo upang malaman nila kung ano ang kanilang kapalaran, hinaharap at kung ano ang mangyayari. Nakalimutan nila ang Diyos na siyang makasasagot sa kanilang mga tanong. Kaya binigyan silang ng babala at sinabi yung katutuhanang hindi sila maililigtas ng mga iyon maliban sa isang Diyos si Yahweh lamang. Inihalitulad sila sa dayami na susunugin sa apoy. Sinasabi rin na ang pagsangguni sa mga ito ay kahalintulad ng pag-samba sa diyus diyusan.

Levitico 19:26b
26b – Huwag ninyong paiiralin ang panghuhula o panggagaway.

Kukunin ko yung panukala ng isa sa mga nakabasa noong nakaraan kong entre na “wala daw namang mawawala kung susunod sa ganitong kalakaran” ika nga. Sa tingin ng tao walang itong halaga, sapagkat hindi niya alam kung ano nga ba ang iniutos o ano yung ayaw ng Diyos tungkol dito. Hindi rin isinaalang alang ng tao na ang Diyos ay mapanibughuin ayaw Niyang may ibang diyos na sinasamba ang tao maliban sa Kanya na may likha ng langit at lupa. Minsan nagkakatotoo naman daw ang kanilang mga sinasabi tungkol sa kapalaran at nagiging kalakasan na rin. May katutuhanan kaya ito na nagkakatotoo ang mga hula nila o nagkataon lang talaga na ganon ang mangyayari sa kanya sa araw na yun. Kasi kapag doon tayo na kanila nanghawakan ang kasiguraduhan ay ang pagkaligaw natin sa sinasabi ng Diyos. Tingnan natin yung mga sinabi ng mga gumagawa nito noong panahon ni Daniel..

Daniel 2:10-11
10 – Sumagot ang mga manghuhula, wala pong tao sa daigdig na makagagawa ng iniuutos ninyo. Wala ring hari gaano man ang kapangyarihan niya na nag-utos ng ganyan sa sinumang salamangkero, engkantador o manghuhula.
11 – Napakahirap gawin ng iniuutos ninyo. Mga diyos lamang ang makagagawa niyan ngunit hindi naman sila makaka-usap.

Daniel 2:27-28
27 – Sumagot si Daniel, ang hiwagang hinihiling ng hari ay hindi maipapaliwanag ng sinumang pantas, engkantador, salamangkero o astrologo.
28 – Ngunit mayroon pong isang Diyos sa kalangitan na naghahayag ng mga hiwaga. At sa pamamagitan po ng inyong panaginip ay inihayag Niya sa inyo ang mangyayari sa hinaharap.


Anong sinabi nila walang sinuman ang makakapagsabi ng tungkol sa mga panaginip maliban na siya ay kinakasihan o ihayag ng Diyos, lahat ng kanilang masasabi ay hula na walang katutuhanan. Makikita natin ito kahit sa panahon ngayon sa TV, magazine, komiks, sa mga tabing daan at halos sa lahat ng lugar, uulitin ko minsan ginagamit pa nila ang pangalan ng Diyos sa kanilang lisya gawa.

Bilang pangwakas, ang masasabi ko huwag ninyong hayaan na kayo ay marahuyo sa mga ganitong kalakaran ng mundo. Talikuran ninyo sila upang hindi kayo mapahamak, walang silang magagawa sa inyong kaligtasan sapagkat ang kaligtasan ay kay Hesus lamang – Mga Gawa 4:12 Wala nang ibang kaligtasan sa kanino man kundi si Hesus sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ikaliligtas natin.

Lunes, Agosto 11, 2008

Anong Masama Rito?

Sa buhay ng tao sa mga panahong ito ang kailangan ay talino, kaalaman at pag-iingat sa anumang gagawin – talino at kaalaman sa salita ng Diyos. Bakit? Sapagkat ang daigdig na ito ay puno na ng kasalanan, kamunduhan at laganap na ang kasamaan. Ang tao ay madaling mabihag sa materyal na bagay, sa katanyagan, sa kagandahan, sa kayamanan. Walang halaga sa tao ang Diyos sinasabi lang nilang mahalaga pero hindi totoo sa kanila puso, ganyan tayong tao sa ngayon. Pero ano ba ang kaugnayan nito sa bagong entre ko? Ano ba ang kaisipan natin ngayon na nakaugnay sa kasulatan. Sa kasulatan maraming mga sitas ang tumutukoy sa tinatawag na “agimat” o “pampasuwerte” o madyik daw.

Kasama ba rito yung tinatawag sa makabagong panahon na “feng-sui” na kinuha sa kaugalian ng mga Intsik. Sa mga naunang panahon naging palasak o kilala ang mga agimat ng mga matatanda lalo na sa mga probinsya. Ibat ibang uri meron nito, kahit pa noong mga naunang panahon laganap na rin ito. Pero ano ang sabi ng kasulatan tungkol dito – ito ay pag-samba sa diyos diyusan, na napakalaking kasalanan sa Diyos. Subalit ano ba ang sinasabi ng Diyos patungkol sa mga ito, tingnan natin sa mga sumusunod na sitas:

Isaias 2:6Itinakwil mo ang lahi ni Jacob na iyong bayan, pagkat ang lupain ay puno ng mga manghuhula. At mga manggagaway, gaya ng mga Filisteo. Nakikibagay sila sa kaugalian ng mga dayuhan.

Yan yung unang sinasabi sa kasulatan, itinakwil ng Diyos ang lahi ni Jacob sapagkat naki-ayon sila sa mga kaugalian ng mga dayuhan, napuno ng ibat ibang manghuhula, manggagaway, mga agimat, at ibang paniniwala, sa kabila na alam nilang ayaw ng Diyos na magkaroon sila ng ibang diyos maliban sa Kanya. Ang ganito kaya ay hindi nangyayari sa ngayon o mas masahol pa? Subalit sinabi rin ng Diyos sa kasulan na:

Isaias 3:18-20
18 – Sa araw na iyon, aalisin ni Yahweh ang mga pahiyas sa paa, ulo at leeg.
19 – Ang mga kuwintas, pulseras at bandana
20 – Ang mga pahiyas sa buhok, braso, baywang, mga sisidlan ng pabango at mga AGIMAT.

Ezekiel 13:20 Kaya nga ipinasasabi ni Yahweh, “nasusuklam ako sa mga benda ninyong may madyik” para mabihag ang loob ng mga tao. Hahablutin ko iyon sa inyong mga galang galangan at papalayaing tulad ng ibon ang isipan ng mga taong nabihag ninyo.

Siguro dahil sa pagbabago ng panahon nawawala na yung mga agimat, subalit marami naman ang ipinalit na ibang bagay, meron pa na ginagamit ang pangalan ng Diyos sa kanilang ginagawa. Yung iba naman inaakala nilang tama yung kanilang ginagawa at paniniwala sa mga bagay na walang kabuluhan. Ang masakit nito kahit na mga taga-sunod na ni Hesus, may gumagawa at naniniwala pa rito tulad na lang sa feng-sui, wala daw namang mawawala kung susunod – “malay nga daw kung totoo”. Kapag ganito ang katuwiran, mapapahamak sa kawalan ng kaalaman tungkol sa kung ano ang nakasulat sa kasulatan na dapat sundin at gawin… Sa ngayon meron pa bang ganitong agimat at iba pa, marami at kayo ang makakasagot niyan – baka kayo meron nito, galit ang Diyos sa inyo.

Linggo, Agosto 3, 2008

Alalahanin o Gawin..

Sa iba’t ibang samahan ng simbahan, pananampalataya may kanya kanyang paniniwala sa pagsunod sa kung anong sinasabi, nakasulat sa salita ng Diyos. Meron ang iba’y lumalabag kung ano ang dapat at karapat dapat. Tulad na lang nitong bago kong kaisipan ang alalahanin o gawin. May pagkakaiba ba ng kahulugan, sabi ng iba kapag sinsabing “alalahanin” ibig sabihin isa-isip na merong gawa o isipin lang, samantalang kapag “gawin” ibig sabihin ini-uutos ito na gawin ang isang bagay, isang alituntunin, isang kaisipan. Anong kaugnayan nito sa kasulatan? Ang salitang alalahanin ay unang kong nakita sa mga sitas sa ibaba, samantalang yung salitang gawin ay napakaraming beses mong makikita sa kasulatan sapagkat ito ay patungkol sa mga alituntunin ng Diyos.

Mga Gawa 2:42 42 Sila ay matatag na nagpatuloy sa turo ng mga apostol, sa pagkikipag-isa, sa pagpuputul-putol ng tinapay, at sa mga pananalangin.

Noong unang mga kalipunan ng mananampalataya, ipinagpatuloy nila ang mga kaalaman na kanilang natutunan sa mga nauna sa kanila mga lingkod ng Diyos. Tulad na lang ng mga kapatid noon matapos umakyat o lumisan ni Hesus sa langit, ipinagpatuloy nila ang turo ng mga apostol ang pagpuputul-putol ng tinapay. Diba ito'y ipinagpapatuloy din sa ngayon ng mga nakararaming mga iglesya ni Hesus, sapagkat kasama sa sinabing alalahanin ito rin ay kailangang gawin hanggang sa pagdating ni Hesus. Subalit bakit yung iba’y sinasabing dapat lang na alalahanin na lang ito na wala ng kaukulang gagawin o uulitin pa ang kanilang mga ginawa noon. Bakit nila ito nasabi? Sapagkat sinasabi raw ni Apostol Pablo ang ganito sa mga sumusunod na talata:

1 Corinto 11:23-2623 Ito ay sapagkat tinanggap ko mula sa Panginoon ang siya ko namang ibinibigay sa inyo. Ang Panginoong Jesus, nang gabing siya ay ipinagkanulo, ay kumuha ng tinapay. 24 Pagkatapos niyang magpasalamat, pinagputul-putol niya ito, at sinabi: Kunin ninyo, kainin ninyo, ito ang aking katawan na pinagputul-putol para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin. 25 Sa gayunding paraan kinuha niya ang saro pagkatapos maghapunan. Sinabi niya: Ang sarong ito ay ang bagong tipan sa aking dugo. Sa tuwing kayo ay iinom nito, gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin. 26 Ito ay sapagkat sa tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa sarong ito, inihahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa siya ay dumating.

Ito raw ay paalala o pinagsasabihan ni Apostol Pablo ang mga nakakatipon sa Corinto sa dahilang wala sa ayos ang kanilang pagtitipon, pasasalo-salo ng pagkain, kaya ipina-alala sa kanila kung anong nararapat sa isang pagtitipon. Ang tanong natin ngayon. Nararapat pa bang ipagpatuloy ang pagsasagawa ng banal na hapunan sa ngayon? Sa akin walang masama dito kung ipagpapatuloy itong ganapin kasi yun ang sinasabi sa kasulatan na alalahanin na naroon yung gawin kung paano ginawa. Subalit sa iba ang depensa nila kung ipagpapatuloy raw ito dapat lahat ng mga ginawa ni Hesus ay alalahanin din tulad ng pag pasan ng krus at iba. Sabi pa nila na bakit raw yun lang gusto ang ginagawa tulad ng utos ng Diyos na ipangilin ang araw ng Sabat, pero ano ang ginawa ngayon hindi na ipinangilin pinalitan pa ng ayon sa gusto at utos ng tao hindi ng Diyos.

Kung pag-aaralan natin oo nga naman marami tayong inaalala o dapat gawin pero hindi natin ginagawa lalo na yung nagsasabing sila ang tunay na tagasunod ng kasulatan. Ang sinusunod natin minsan ay kung ano yung sinsabi ng nakararami o kilala sa lipunan, nakakalimutan natin kung ano ang dapat nating sundin. Kaya ang masasabi ko lang ngayon huwag nating kaliligtaan na sumangguni sa kasulatan kung ano talaga ang sinsabi roon patungkol sa alalahanin o gawin.