Sa bago kong kaisipan ngayon makikita na ito yung tagpo ng nakapako na si Jesus kasama ang dalawang tulisan. Sa ebanghelyo ni Mateo, Marcos at Juan hindi binigyan diin ang pag-uusap ni Jesus at ng dalawang tulisan, dito kay Lucas nabigyan niya ng diin kung ano ang ibig ipakahulugan ng pag-uusap ng mga nakapako. Tingnan natin ang mga ilang pangungusap sa tagpong iyon:
Luke 23:42-43 (NIV) – Then he said, “Jesus, remember me when you come into your kingdom”. Jesus answered him, “I tell you the truth, today you will be with me in paradise”
Lucas 23:42-43 (Salita ng Diyos) – Sinabi niya kay Jesus: Panginoon, alalahanin mo ako kapag ikaw ay nasa paghahari mo na. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Katotohanang sinasabi ko sa iyo, sa araw na ito, ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.
Sinabi o hiniling ng tulisan kay Jesus na – alalahanin siya ni Jesus kapag “nasa paghahari na ni Jesus”. Ano ang napansin ninyo sa pananalitang iyon, diba panghinaharap, ibig sabihin alam ng tulisan na si Jesus ay babalik upang maghari ng isang libong taon, kasama ang mga hinirang ng Diyos. Alam din ng tulisan na hindi pa iyon ang paghahari ni Jesus.
Sa sunod na sitas ay sumagot si Jesus sa kaniya ang sabi “katutuhanang sinasabi ko sa iyo, sa araw na ito, ikaw ay makakasama ko sa Paraiso”. Tanong – may problema ba sa sagot ni Jesus? Kung babalangkasin natin ang pananalitang ito, may dalawang ibig sabihin – Una na sa oras, sa kalagayang yaon at sa panahong yun isasama ni Jesus ang tulisan sa paraiso. Ibig sabihin noon, yung tulisan ay pinatawad, nilinis, ginawang banal sa oras na yaon, sapagkat siya ay isasama ni Jesus sa pupuntahan Niya. Saan ba pupunta si Jesus pagkatapos noon, diba sabi sa kasulatan sa langit sa kanan ng Diyos Ama. Maliwanag na doon din ang punta ng tulisan, kasi isasama siya ni Jesus.
Ikalawang kahulugan nito ay ganito – katutuhanang sinasabi ko sa iyo, sa araw na ito, ikaw ay makakasama ko sa paraiso. Ano ang inyong napansin? Meron ba? Meron tingnan ninyo yung koma sa pagkakagamit nito – doon sa “sa araw na ito” ito’y pinaghihiwalay ng koma bakit upang bigyan ng kahulugan yung sinasabi ni Jesus sa tulisan. Ano yun? Ang ibig sabihin ni Jesus sa tulisan “sinasabi niya iyon ngayon o sa araw na yun” na makakasama ko sa paraiso. Ganito yun halimbawa – Pupunta ako sa Bayan bukas, gusto ko isama kita. Kaya ganito ko sasabihin sa iyo yun – Sinasabi ko ngayon ito, isasamakita bukas sa bayan. Ibig ipahiwatig ni Jesus na sinasabi niya iyon doon sa tulisan sa araw o sandaling iyon na makakasama siya ni Jesus sa paraiso, naroon yung kasiguraduhan pero sa darating na panahon.
Doon sa una nating kahulugan makikita natin na may kahirapang paniwalaan sapagkat alam natin na si Jesus ang unang bunga ng pagkabuhay na muli at wala pang sinuman ang sumunod sa Kanya hanggang hindi pa natutupad ang Kanyang ikalawang pagbabalik. Walang palakasan dito, kailangang matupad ang nasusulat sa kasulatan (Juan 14:1-3). Iyan ang unang salita ng Diyos na nilalabag kung ganon ang nangyari. Isa pa, kung ganon lang kadali ang sumama kay Jesus, sasabihin ng iba na magpapakasama na lang muna ako, bago na lang ako magsisisi kapag ako ay mamamatay na para deretso na ako sa langit. Kasi ganon yung ibig ninyo na mangyari doon sa tulisan, samantalang alam natin na napakalaki ng kasalanan niya, sa tao at sa Diyos. Oo maari siya’y humingi ng tawad, kumilala kay Jesus, pero nakasisiguro ako na siya’y wala pa sa langit sapagkat sabi sa kasulatan na “patay pa sila” at silay bubuhaying muli pagbabalik ni Jesus. At doon sangayon ako na “makakasama” na ni Jesus ang tulisang iyon ayon sa Kanyang pangako.
Doon sa ikawalang kahulugan, matatanong ninyo bakit ko naman naisip na ganon ang ibig ipakahulugan noon. Simple lang naman sapagkat yun ang naaayon sa sinasabi ng kasulatan o sa tingin ko walang sitas sa kasulatan ang nilalabag noon. Isa pa, may nabasa ako na isang kaalaman na patungkol sa sitwasyong iyon. Sa pananaliksik niya napag-alaman niya na ang orihinal na sulat nito sa Hebrew at Greek ay walang ginagamit na anumang “koma”, ito’y mababasa ng tuloy tuloy – sabi nga hindi raw uso noon ang mga koma, tuldok, pananong at iba pa. Ibig sabihin na sa mga nagsalin na lang ito nadagdagan, napalitan o nabago.
Pero kung ako ang tatanungin at bibigyan ng pagkakataon na baguhin ang sitas na yun dapat ay ganito ang kalabasan noon - Lucas 23:42-43 – Sinabi niya kay Jesus: Panginoon, alalahanin mo ako kapag ikaw ay nasa paghahari mo na. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Katotohanang sinasabi ko sa iyo NGAYON, ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.