Tulad na aking nasabi noong nakaraang kaisipan patungkol sa pagkilos ng Diyos ayon sa Kanyang kalooban at panukala, naipangako kong sisimulan ito mula sa panimula ng salita ng Diyos na ang ibig sabihin ay mula sa Genesis at tiyak ko sa inyo sa biyaya ng Diyos tatapusin ko ito hanggang sa dulo ng kasulatan ang Pahayag (Apokalipsis). Maraming bagay ang ating matutunan dito na may katiyakang mula lahat sa kasulatan hindi sa dunong ng tao. Dito ipakikita ko ang lahat ng halimbawa ng pagkilos ng Diyos sa Kanyang nilikha.
Pero hayaan ninyong balik tanaw natin ang mga kapahayagan sa pitak na ito bago natin simulan ang bagong kaisipan na nakaugnay sa kung paano kumilos ang Diyos sa Kanyang mga nilalang. Noong simulan ko ang blog na ito noong nakaraang taon maraming katanungan ang ating nasagot, maraming katotohanan ang ating natuklasan. Sa mga nakaraang kaisipan natin nagpapasalamat ako sapagkat may ilang mga mambabasa na naging matiyaga na makipag-aralan patungkol sa salita ng Diyos. Meron din naman na walang tiyaga na makibahagi sa mga ganitong pag-uusap.
Dati nga natatanong ko ang aking sarili dapat ko bang ipagpatuloy pa ito, samantalang parang wala namang may interesadong makabasa nito. Pero nanatili pa rin sa akin ang mithiin na sa anumang paraan ay maipahayag ang salita ng Diyos para sa mga taong may pandinig (Filipos 1:18). Naniniwala ako na kahit munting paraan ay maipapahatig ng pitak na ito ang mga katotohanan sa salita ng Diyos. Nasa isip ko na siguro hindi sa panahong ito magkakaroon ng malaking bahagi ang pitak na ito kundi sa mga susunod pang mga panahon ayon sa kalooban ng Diyos.
Naisip ko rin at nakita na umabot na pala ako sa mahigit na 60 kaisipan ang naibahagi sa mga mambabasa. Dalangin ko ngayon na maabot o malampasan ang bilang ng mga kaisipan naibahagi ko sa taong ito, mga kaisipang hango lamang sa salita ng Diyos. Alam ko na bibigyan ako ng Diyos ng pagkakataon upang matupad ko ang mithiing yaon.
Dalangin ko rin na kayo sa lahat ng panig ng mundo na makakabasa nito ang bigyan ninyo ng kaunting panahon o sandali man lang upang mabasa ang ibat ibang katotohanan nilalaman ng pitak na ito.
Salamat po... Inaasahan ko ang inyong pagsubaybay.. Pagpalain po kayo ng Diyos..
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento