Miyerkules, Oktubre 29, 2008

Ang Layunin at Kalooban ng Diyos – 3

Totoo bang si Pedro ay sumang-ayon kay Kristo?

2 Pedro 3:9 Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa Kanyang pangako tulad ng inaakala ng ilan. Hindi pa Niya tinutupad ang pangakong iyon alang-alang sa inyo. Binibigyan niya ng pagkakataon ang lahat na makapagsisi at magbalik-loob sa Diyos, sapagkat hindi Niya nais na kayo’y mapahamak.

Totoo na araw-araw tayo ay pumipili nagpapasya sa mabuti at itinatakwil natin ang masama. Subalit sa mga nangyayari at mangyayari pa lang sa buhay natin ang Diyos ang Siyang gumagabay sa atin upang makaiwas tayo sa masama pero minsan mapagtatanto rin natin na ang Diyos ang gumagawa ng masamang sitwasyon, upang ipakita sa iyo kung ano ang layunin niya sa buhay mo.

Isaias 45:7 Ako ang lumikha ng dilim at liwanag. Ako ang nagpapadala ng kaginhawahan at kapahamakan. Akong si Yahweh ang gumagawa ng lahat ng ito.

Ito yung sitas sa kasulatan na hindi maunawaan ng karamihan sa mga tagasunod ni Hesus. Ito yung katotohanang pilit na ikinukubli ng nakararami na pag-usapan. Subalit dito nauunawaan natin na silang di nakauunawa ay ang mga taong binulag na malaman ang hiwaga ng paghahari ng Diyos tulad ng ating napag-usapan sa mga nakaraang usapin (Mateo 13:11). Mahirap unawain subalit iyan yung nakasulat sa kasulatan, hindi natin pwedeng baguhin o ilihis ang katotohanan. Marami ang nagbibigay ng kanilang pagka-unawa sa sitas sa itaas subalit hungkag sa katutuhanan at walang makitang ibang sitas na maaaring suporta sa kanilang sinasabi.

Balikan natin ang tanong sa itaas na sumang-ayon ba si Pedro kay Kristo? Ayon sa sitas na ating inilahad sa 2 Pedro 3:9. Oo, sumang-ayon siya sapagkat alam ni Pedro na ang Diyos ay hindi nagpapabaya sa Kanyang mga pangako at alam din natin yan. Sabi pa ni Pedro na hindi pa tinutupad ng Diyos ang pangakong iyon – sapagkat patuloy na naghihintay ang Diyos para sa ating pagbabalik loob sa Kanya. Ano ang layunin ng Diyos? Ang nais ng Diyos ang di mapahamak ang nakararami at tayo. Ibig sabihin ni Pedro na nangyayari pa ang mga bagay na yaon sa mga nilikha sapagkat ito yung kalooban ng Diyos upang manumbalik sila sa Diyos.

Binibigyan tayo ng pagkakataong tumugon sa Kanyang mga paanyaya, babala upang tayo ay hindi mapahamak. Layunin Niya na ipakita sa anumang kapamaraanan na Siya ang gumagawa sa lahat ng bagay sa ikabubuti natin, kasama diyan yung kasamaan, kabulagan sa katotohanan at pagtatakwil kay Hesus. Subalit sa bandang huli ipakikita ng Diyos ang Kanyang kalooban at layunin sa tao. Yan ang hindi matanggap ng tao, iniisip nila na ang Diyos ay hindi makatarungan kung gagawan ng masama ang mga nilikha lalo’t kung magbubuhat sa Diyos.

Nakita natin na si Pedro ay sang-ayon kay Kristo, sa layunin na binibigyan ang lahat ng pagkakaton na manumbalik sa Diyos. Sa iba na binabaliwana ito, naroon yung tiyaga ng Diyos hanggang makita ng tao yung talagang layunin ng Diyos. Babalik ang tao sa Diyos na Siyang lumikha sa kanila. Ipinadarama lamang ng Diyos yung nararapat sa Kanyang mga anak, sapagkat pinarurusahan ng Diyos yung mga taong mahal sa Kanya. Kung ikaw ay hindi nakakaranas ng parusa o pagtutuwid mula sa Diyos, tanungin mo ang iyong sarili kung bakit – anak ka ba ng Diyos.

Mahirap isipin at unawain ang ibig ipabatig ng Diyos ayon sa Kanyang layunin at kalooban. Minsan iisipin natin na hindi siya makatarungan, subalit kung pag-aaralan natin ito’y sa ating ikabubuti. Tulad ng sabi ko ang Diyos ang gumagawa sa lahat ng bagay ayon sa Kanyang layunin at kalooban sa anumang kapamaraan.

Martes, Oktubre 21, 2008

Ang Layunin at Kalooban ng Diyos – 2

Ang tunay na dahilan kung bakit si Hesus ay di-tinugon?

Kung iisipin natin kapag tinatanong natin sa kaisipang ito ang isang sitwasyon o bagay ng “BAKIT”, ang talagang tinutumbok nito ay ang tanong na “ANG TAO BA AY MAY LAYANG PUMILI O MAGPASYA” o sa wikang English ay “FREE WILL” or “FREE CHOICES”? Walang makapagkakaila na ang sinuman ay gumagawa ng pag-pili o pag-pasya sa araw-araw. Halimbawa – pupunta ba ako sa bayan o sa talipapa na lang? Anong oras ba ako dapat magising? Ano ba ang aking almusal ngayon? Uulitin ko walang makakapagkaila niyan. Doon sa mga di tumugon sa paanyaya sa piging at kasalan – pasya ba o yun ang kanilang pinili (walang dapat pag-usapan doon). O merong isang malakas na kapangyarihan na siyang kumikilos at gumagawa sa atin ayon sa kanyang layunin at kalooban.

Pero itinatanong natin kanina na “BAKIT” sila hindi tumugon sa paanyaya sa pagtawag ng Diyos. Alam natin na ang mga Israelita ay di naniniwala sa tagapagligtas na si Hesus. Nang marinig ng mga Pariseo at punong saserdote ang tungkol sa talinhaga inisip nila na sila ang pinatutungkulan ni Hesus, sa ngayon sino sila – sila yung mga nangunguna sa mga simbahan na ang tingin nila sa sarili ay napakataas.

Kilalanin natin kung sinu-sino sila sa

Mateo 27:20 Ang mga tao nama’y sinulsulan ng mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan na hingin kay Pilato na si Barabas ang palayain, at si Hesus ay ipapatay.

Sino ang mga taong ito? Tingnan natin sa

Lucas 19:38 Ang wika nila, Purihin ang hari na dumarating sa ngalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Purihin ang Diyos!

Doon sa talata 37 sinasabi na boong o lahat ng mga tao o alagad doon ay sumisigaw ng ubod lakas sa pagpuri sa Diyos. Ngunit isang araw ang parehong karamihan ng tao na sumisigaw na ang hari ay dumarating subalit sa sunod na araw sila rin yung sumisigaw kasama ng mga Pariseo at punong saserdote na ipapatay si Hesus.

Pano ito nangyari samantalang nakita nila ang ibat ibang kababalaghang ginawa ni Hesus? Wala bang saysay ang kanyang mga ipinakita sa kanila? Pero heto ang talagang dahilan kung bakit nila ito nagawa sa

Lucas 19:41-42 Nang malapit na siya sa Jerusalem at matanaw niya ang lunsod, ito’y kanyang tinangisan. Sinabi Niya, kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makapagdudulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit lingid ito ngayon sa inyong paningin.

Wow, napakalinaw na sitas nito para sa ating pinaguusapan. Balikan natin – Bakit nga ba di naniniwala ang mga Israelita kay Hesus? Sapagkat sa

Mateo 13:11 Sumagot Siya, Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Diyos, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila.

Ibig sabihin ang mga taong di tumugon sa paanyaya ni Hesus ay hindi ipinagkaloob sa kanila na malaman ang lihim ng paghahari ng Diyos, kaya maling sabihin na kanilang sariling pasya o pagpili ang di pagdalo sa paanyaya.

Sa sunod nating kabanata talakayin natin ang iba pang dahilan na mula sa kasulatan…

Martes, Oktubre 14, 2008

Ang Layunin at Kalooban ng Diyos - I

Sino silang nagbaliwala kay Kristo?
Pansinin natin sa Mateo 21:45 at sa Lucas 14:1 - si Hesus ay nakikipag-usap sa mga punong saserdote at mga Pariseo na ganon din ang tinutukoy sa Mateo 22. Ibig sabihin meron na tayong panimulang kaisipan na sila ang mga taong tinutukoy ni Hesus sa talinhaga.

Sa Lucas 14 may mga ibinigay na dahilan kung kaya hindi nakadalo sa piging - ito ay ang mga sumusunod - nakabili ako ng bukid, at kailangan kong puntahan, sinasabi ng isa - nakabili ako ng limang pares na baka at kailangan kong isingkaw para masubok. At ang isa naman ang dahilan ay - bago akong kasal kaya hindi ako makakadalo. Subalit tingnan natin ang sagot doon sa mga ibinigay na dahilan ng sabihin sa kanyang panginoon ang naging resulta ng paanyaya. Ini-utos sa alipin na lumabas sa mga lansangan, lungsod at makikipot na daan upang anyayahan ang mga pulubi, pingkaw, bulag at mga pilay.

Nakita ninyo - ipinakikita ni Hesus sa talinhaga na wala sa sinumang inanyayahan (ang mga di dumalo) ang gustong malaman ang katutuhanan at di nila batid kung ano ang ibig sabihin nito sapagkat sa sitas (Juan 6:35 - Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay, sabi ni Hesus. ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman). Sapagkat si Hesus ang tunay na tinapay o pagkain na pinag-aanyaya sa piging at kasalan.

Malinaw na sinasabi ni Hesus na ang mga di dumalo sa piging ang siyang mga taong nagtatakwil sa Kanya. Balikan natin yung Mateo 21:45 dito narinig ng mga Pariseo at punong saserdote ang sinasabi ni Hesus tungkol sa talinhaga, kaya iniisip nila na sila ang pinatatamaan at tinutukoy ni Hesus - totoo naman diba, ito'y para sa kanila. Pero ang tanong - sa ngayon, meron bang pinatatamaan pa rin ang mga sitas na ating pinag-uusapan? Meron pa kayang mga Pariseo at punong saserdote sa ngayon? Sinu-sino sila sa ngayon? Ang sagot meron at marami pa rin hanggang ngayon.

Subalit ito ang malaking katanungan - Bakit sila di tumugon sa paanyaya sa piging sa Lucas 14:16 at sa kasalan sa Mateo 22:4? Katulad ng tano na - Bakit ang iba sa ngayon ay hindi tumutugon at binabaliwala ang kanilang tagapagligtas? May kinalaman ba ang kanilang mga pinuno o taga panguna upang ilayo sila kay Kristo?

Tayo'y tinatanong - bakit nga ba marami ay hindi tumutugon sa mga paanyaya, samantalang ito'y sa ikabubuti naman nila? Kayo tumugon na ba kayo sa paanyaya ni Hesus sa kanyang piging o nananatili pa rin sa inyo yung tanong na BAKIT?

Sa sunod na kabanata talakayin natin ang talagang tunay na dahilan kung bakit di dumalo o tumugon ang mga inanyayahan sa piging at kasalan. At kung bakit sa kabila ng paanyaya ay patuloy o naroon pa rin ang pagtutul ng mga nakararami. Ano ang kaugnayan nito sa ating tinatalakay na "layunin at kalooban ng diyos"..

Lunes, Oktubre 6, 2008

Ang Layunin at Kalooban ng Diyos - Panimula

Halos lahat ng mga Kristiyano kung tatanungin ay naniniwala silang ang Diyos na ating pinaglilingkuran at kinikilala ay "makapangyarihan sa lahat". Sa aling mang diksyonaryo ang ibig sabihin ng makapangyarihan ay kataas-taasang kapangyarihan o sumasalahat na kapangyarihan. Isa ang nakatitiyak nito iilan lang ang magsasabing ang Diyos ay di makapangyarihan sa lahat, sino ang mga ito - ang mga taong di kumikilala na may Diyos. Ang kasulatan mismo ang magpapatunay na ang Diyos na makapangyarihan ang siyang kataas-taasang:


Isaias 40:15 - Di ba ninyo alam, sa harap ni Yahweh ang alinmang bansa ay walang kabuluhan? Tulad lang ng isang patak na tubig sa isang sisidlan. Ang mga pulo ay parang alikabok lamang ang timbang.


Awit 103:19 - Si Yahweh nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan, mula doon sa nilikhang maghaharing walang hanggan.


Sa aklat ni Daniel kabanata 4 - Ang Diyos ay nagbigay sa hari ng panaginip na syang gumugulo sa kanyang isipan. Apat na beses sa buong kabanata na nabanggit na ang lahat ay malalaman ng ang Diyos ay makapangyarihan at Siyang maghahari sa lahat ng nilikha ayon sa Kanyang kalooban. Ayon dito na ang Diyos ang maghahari sa Kanyang mga nilikha, ito man ay masama at mabuti.


Nakita natin sa itaas na ang Diyos ang maghahari sa tao ayon sa Kanyang kalooban hindi ayon sa kalooban ng Kanyang nilikha. Siya ang nagpatigas ng puso ng Paraoh upang hindi makaalis ang mga Israelita sa Ehipto (Exudos 4). Bakit ito ginawa ng Diyos? Upang ipakita sa lahat sa Siya ang makapangyarihan sa lahat - magagawa Niya ang lahat ayon sa Kanyang kapangyarihan, plano at panukala sa tao. Sa palagay ninyo ang Diyos ba ay pinatitigas lang ang puso ng mga namumuno (tulad ng Paraoh), na hindi niya ginagawa ito sa mga karaniwang nilikha tulad natin?


Kaya nga ang pangunahing layunin at pakay ng kaisipang ito ay kung ano ang sinasabi sa kasulatan, kung kaya punamagatan ko itong - Ang Layunin at Kalooban ng Diyos - na hango sa sitas sa kasulatan:


Efeso 1:11 - Sa Kanya rin tayo ay nagkamit ng mana. Itinalaga Niya tayo nang una pa ayon sa LAYUNIN NIYA na gumagawa ng LAHAT ng mga BAGAY ayon sa LAYUNIN NG KANIYANG KALOOBAN.


Isinusulat ko ito sa dahilang marami ang di naniniwala at binabali wala ang nakasulat at ibig ipakahulugan ng Efeso 1:11 na nakapaloob dito kung meron bang "kalayaang pumili" or "free will" ang tao. Kung wala tayong kalayaang pumili, magpasya, paano naman ang mga taong inanyayahan sa "kasalan" sa Mateo 22 at ang malaking "piging" sa Lucas 14 - na alam natin na marami ang hindi tumugon sa paanyaya.


Layunin din nito na ipakita mula sa kasulatan - kung bakit ang mga inanyayahang bisita ay binaliwala ang paanyaya sa kanila. At kung bakit sa lahat ng ating kapasyahan tayo ay kumikilos at gumagawa? Sa totoo lang ang sitas na ito ay nagtuturo ng tungkol sa "kaganapan at epekto". Subalit sinisiguro ko sa inyo na ipakikita ko lahat sa kasulatan kung paano ang Diyos ay gumagawa sa LAHAT NG BAGAY ayon sa Kanyang kalooban. Una nga rito ay ang talinhaga sa Mateo 22 at Lucas 14 - sundan sa sunod na kabanata....