Miyerkules, Disyembre 31, 2008

Iwan at Harapin..

Wala po akong masasabi sa pitak na ito kundi ang paalala lang para sa lahat na kung meron mang tayong mga bagay na hindi magandang nagawa sa nakaraang taong 2008 - iwan na po natin yun sa likuran natin at wag ng balikan. Kung maganda naman po ang inyong nasimulan noong nakaraang taon - ipagpatuloy po natin at hingin sa Diyos ang patuloy na pagbibigay ng gabay at lakas upang harapin ang bagong hamon ng buhay.

Harapin natin po ang darating na bagong taong 2009 ng may takot, pagsunod at pagkilala sa lumikha ng langit at lupa. Batid po natin na buong mundo ay nakararanas ng pandaigdig na kahirapan o krisis - subalit kung ilalagak po natin ang lahat sa Diyos, tiyak na meron Siyang gagawin para sa atin.
Binabati ko po kayong lahat na nakiisa, sumubaybay at natuto sa mga kaisipan po na aking inilahad sa inyo sa taong ito. Inaasahan ko po kayo na patuloy na makipag-aralan, pakipagtuklasan patungkol sa salita ng Diyos - sapagkat marami po ang katanungang dapat nating malaman ang sagot dito sa - SINO ANG TAMA?



MAPAGPALANG BAGONG TAON PARA SA LAHAT!!


Salamat po...

Linggo, Disyembre 14, 2008

Pagkilos ng Diyos

Sa ating mga nakaraang kaisipan naipakita natin kung ano ang mga nakaasaad sa kasulatan patungkol sa kalooban ng Diyos. Ngayon naman tingnan natin ang pagkilos ng Diyos mula pa noong una sa nakasulat na kung ito ba ay ayon sa Kanyang kalooban. Nakita natin ang mabiyayang kapangyarihan sa atin na hindi lang mabubuti at magagandang bagay ang nagmumula sa itaas, kundi para sa lahat sa Kanyang kalooban at panukala (Efeso 1:5 - Tayo ay tinalaga niya nang una pa upang ampunin sa kaniyang sarili sa pamamagitan ni Jesucristo ayon sa kaniyang kalooban. ), at alam natin na ang Diyos ang Siyang kumikilos at gumagawa sa lahat ng bagay (Efeso 1:11 - Sa kaniya rin tayo ay nagkamit ng mana. Itinalaga niya tayo nang una pa ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa layunin ng kaniyang kalooban.). Sa lahat ng bagay kasama ang mabuti, maganda at ang masamang bagay o pangyayari sa ating buhay.

Isaias 63:17 Bakit ba, O Yahweh kami’y tinulutang maligaw ng landas. At ang puso nami’y Iyong binayaan na maging matigas? Balikan mo kami, Iyong kaawaan, ang mga lingkod mo na tanging Iyo lamang.

Roma 9:16 & 18 Kaya’t ang pasiya ng Diyos ay nasasalig sa Kanyang habag at hindi sa kalooban o pagsisikap ng tao. Kaya kinahahabagan nga ng Diyos ang sinumang ibig Niyang kahabagan, at pinatitigas Niya ang ulo ng ibig Niyang pagmatigasin.

Hayan nakita ninyo dalawang sitas na nagpapakita na ang Diyos ang siyang may dahilan, may kaalaman, may kapangyarihang gumawa, kumilos ng may laya sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha ayon sa Kanyang ibig. Dalawang mabibigat na sitas sa kasulatan na marami ang minsan hindi nila nauunawaan, na ang Diyos ang sanhi ng lahat ng bagay na nangyayari sa daigdig na ito. Pinipilit nating ang mabubuting bagay lang ang nagbubuhat sa itaas, pero nakaligtaan natin ang ibang mga sinasabi at nakasulat sa Kanyang kasulatan.

Dito sa ating bagong kaisipan ipakikita ko sa inyo ang maraming kapahayagan na nakataala sa kasulatan patungkol sa ating pinag-uusapan. Tulad ni Santiago, alam niya na tayo ay sinusubok ng Diyos upang maging matatag ang ating pananampalataya (Santiago 1:3 - Nalalaman ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis). At alam din niya na sa lahat ng bagay ang Diyos ay kumikilos, kaya sabi niya sa Santiago 4:15 - Ito ang dapat ninyong sabihin: Kung kalooban ng Panginoon, mabubuhay tayo. Gagawin natin ang bagay na ito o ang gayong bagay. . Sa panghuli nasabi ni Santiago na ang Diyos ay hindi nanunukso sa tao – sapagkat batid ni Santiago ang mga kaganapan sa pagkilos ng Diyos sa atin.

Heto pa sa Filipos 2:13 sapagkat ang Diyos ang nagbibigay sa inyo ng pagnanasa at kakayahang maisagawa ang Kanyang kalooban. Ngayon ano ang ipinakikita sa atin ng kasulatan sa pamamagitan ng ilang sitas sa itaas, di ba Siya ang may kapangyarihan, kakayahan, kalayaan, maylaya at may kalooban sa lahat ng bagay na nangyayari, nangyari at mangyayari pa lamang sa lahat ng Kanyang nilikha.

Sa sunod nating kaisipan ibibigay ko sa inyo ang unang halimbawa sa kasulatan kung paano kumilos ang Diyos ng ayon sa Kayang kalooban at panukala. Sisimulan natin ito sa pasimula ng kasulatan at iisa isahin natin ang bawat sinasabing katotohanan patungkol dito.